Si Boy, Mula Noon Hanggang Ngayon

Dati ko nang kakilala si Boy. Magkapitbahay kami noon at kahit maliit lamang ang bahay nila, hindi niya ito inaalintana. Sa mga naalala ko pa, likas siyang masayahin, mapaglaro at malikot. Halos sabay kaming lumaki. Sabay kami noon nag-aaral at mula grade 1 hanggang grade 6 ay magkaklase kami. Itinuring ko na siyang bestfriend dahil sa murang edad namin, siya lamang ang nakakaintindi sa akin.

Bago kami pumasok ng high school, lumipat sila ng bahay. Hindi dahil gusto nila, kundi dahil pinaaalis na sila ng may-ari ng lupa. Squatters lang sila kaya nang pinapaalis na sila, wala silang magawa. Isa ako sa umiyak ng lumipat sila. Sa tantya ko, hindi na ako makakahanap ng isang tunay na kaibigan tulad niya. Alam ko, umiyak din siya ng palihim. Ganoon talaga siya, ayaw niyang ipakitang malungkot siya.

Mula noon, wala na kaming komunikasyon. Wala kasi kaming telepono kaya hindi na kami nakapag-usap. Masyado ring mahal ang cellphone kaya hindi namin afford. Kaya ganoon na lang. Hinayaan ko na lang na ganoon.

Hindi ko akalain na pagkatapos ng apat na taon, nagkita kami muli. Ngayon, mas matipuno, mas nakaka-respeto at mas responsabling tingnan. Ganoon na siguro namin ka-miss ang isa’t isa dahil nang magkita kami, para kaming mga bata sa pananabik. Ngunit sa muli naming pagkikita, ibang mata na ang aking nakikita.

Sa kanyang mga mata naaaninag ko ang kalungkutan na marahil ay nandoon na sa mahabang panahon. Ngunit hindi ko muna iyon pinansin sa pag-aakalang mali ako. Ngunit nagdaan ang mga araw, hindi ko maiwawaglit ang pag-alala na marahil mayroon ngang problema. Ngunit sa tuwing sinusubukan kong tanungin siya tungkol doon, pilit niyang iniiba ang usapan. Binabalewala ko na lang din iyon. Ngunit may mga panahon pa rin na hindi ko kayang iwaglit sa isipan ko na baka mayroon nga.

Si Boy, ganoon talaga siya. Ayaw niyang pag-usapan ang problema. Kung kaya niyang resolbahin mag-isa, kakayanin niya. Kung hindi, hinahayaan lamang niya. Kaya nga siguro naging kaibigan ko siya. Hinahayaan ko na lang kasi. Kaya nga siguro magkaibigan kami dahil gusto lang namin pag-usapan ang mga masasaya. Ganoon nga siguro.

Ayaw niyang pag-usapan, hindi na rin ako namimilit. Kaya isang araw, sa isang dapithapon, sa aking pagpunta sa kanilang bahay sa kaunaunahang panahon, nakita ko na lang siya sa kanyang higaan, nakangiti at nakapikit ngunit laslas ang pulso.

Sa kanyang burol, nandoon lamang ako sa isang tabi, nagmumukmok, nagmamasid, nagmamatyag. Ano ba talaga ang problema sa kanya, bakit ganoon na lamang? Ngunit wala akong mahanap na sagot, walang nagbibigay sa akin ng sagot. Sa tuwing may kumakausap sa akin at tinatanong kung may alam ako, iniiba ko na rin ang usapan, tulad ng ginagawa ni Boy sa tuwing nag-uusap kami. Ngayon alam ko na kung bakit siya umiiwas, ayaw niyang pag-usapan ang malungkot dahil ayaw niyang maging malungkot ang pinagsasabihan niya.

Pero mali ka Boy, sana kinausap mo ako nang naliwanagan ka at hindi na sana humantong sa ganito ang lahat. Paalam na lang kaibigan! Alam kong wala ka ng ibang alam na paraan upang tumakas sa problema. Ika’y nakangiti, alam ko pero alam kong hindi ka masaya. Hindi ko kayang maging malungkot dahil baon-baon ko ang mga ngiti at halakhak mo araw-araw…

(Si Boy ay isa lamang sa mga taong malulungkot sa mundo. Kung kaya nating tulungan sila, tulungan natin nang hindi humantong sa ganito.)


Written by dexnell, edited by blue_kuko and first appeared on www.peyups.com on 24th October 2004.

1101 Total Views 1 Views Today