Pips

Naaalala ko noon. Simula pa lamang ng klase at puro kamalasan na ang inabot ko. Yung tipong matapilok ka ba naman ng apat na beses sa loob ng dalawang oras. Nagkapigtas-pigtas na ang sandalyas ko. Pagdating ko sa unibersidad, kumukulo na ang dugo ko. Sabay tumabi ka sa akin at tinulungan mo akong mag-isip ng paraan para maayos ko ito. Hindi ko nga lang magagamit yung mga solusyon mo, puro kalokohan (halimbawa: gumamit ng gum o safety pin). Pero kahit sobrang depressed na ko nun, naliwanagan ako sa isang bagay: ‘First time’ kita nakita.

Naalala ko rin. Binibigyan mo kong kendi, hindi ko naman kinukuha. Hindi ko naman sinasabing may lason yung kendi, kaso lang hindi pa tayo magkakilala nun. ‘Don’t talk to strangers’ nga da bah? Kendi pa kaya. Hindi ko alam na ikaw pala ang magiging kasama ko lagi pauwi, ang handang magpatawa tuwing wala na ako sa sarili’t nakatingin sa kawalan. Nakakagulat ngunit buhay na buhay ako kapag nandyan ka.

Naalala ko pa. Hindi ako nakapag-aral sa problem set natin. Handang-handa na akong hindi magpasa. 10% lang naman e. Tapos, lumapit ka. Nainis ka sa akin dahil nag-‘give up’ ako kaagad. Tinuruan mo pa nga ako ng mga kailangan ko nung humingi akong tulong sa iyo kahit na hindi ka pa nga tapos sa ginagawa mo. May oras pa, sabi mo. Sa loob-loob ko, hindi mo na kailangang paniwalain sa mga salita mo. Naniniwala naman talaga ako sa iyo.

Naalala ko uli. Nagrereklamo ako dahil gutom na ako, uminit tuloy ulo ng isang kasama natin. Nakapagbitaw siya ng mga maaanghang na salita. Inakbayan mo ako. Tinext mo pa nga ako para hindi mapaaway e, samantalang katabi lang kita nun. Ikaw ang nagturo sa akin na maging mabait at magpasensya, na ang pagpapatawad ay hindi dapat labag sa kalooban. Naisip ko: ‘Ang talino mo talaga’.

Naalala ko. Sinasabihan mo ako ng mga sikreto. Pakiramdam ko, ang taas ng tingin mo sa akin, mapagkakatiwalaan kumbaga. Gumagawa nga tayo ng mga planong para sa atin lang. PIP ang naging tawagan natin sa isa’t isa. Sabay nating pinag-uusapan ang mga leksyon pati na rin ang pinakahuling tsismis. Mas lalo na pagdating sa pag-ibig. Ni hindi nga natin kailangang tapusin ang pananalita ng isa para malaman kung anong sasabihin, dinadaan natin sa mga makahulugang tingin. Dahil dyan, kahit kailan, hindi tayo naubusan ng mapag-uusapan.

Naalala ko na. Kaibigan kita. Kahit na may hinanakit tayo, kaya nating magpatawad at malampasan. Kahit hindi tayo masyadong nagkikita, kabisado ko pa rin ang mukha mo, ang ngiti mo at ang mga paborito mong sabihin. Kapag wala na akong lakas o anuman, nandyan ka para punan yung wala ako. Kahit corny jokes mo, tatawanan ko pa rin. At kahit magkalayo pa tayo ng landas, mananatili ka pa rin sa puso ko. Pip kita e.


Written by icebreaker and first appeared on www.peyups.com.

460 Total Views 2 Views Today