Katibakan? Kalokohan: Kabaliwan

“May mob. Sama ka na.”

Hindi ko matanggihan ang kaibigan ko. Hindi ko rin alam kung bakit niya ako iniimbitahan sa isang “mob”. Ano ba yon? Parang ngayon ko lang narinig yon. Hindi ko makuha kung bakit niya hinihikayat kaming mga kapwa-estudyante. Ipaglalaban daw namin ang karapatan ng mga manggagawa. Napangiti na lamang ako. Hindi ko lubos maisip kung ano ang magagawa naming mga hamak na hayskul students sa mga problema ng bayan.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin pero nariyan pa rin siya, hindi tumigil sa pagkumbinsi. Parang balon na walang katapusan, hindi nauubusan ng pag-asa at enerhiya. Bulag ang aking kaibigan na iyon. Bulag sa isang ideyolohiya. Bulag sa ideyolohiyang na kahit siya ay hindi niya alam kung magtatagumpay. Isang babaeng may prinsipyo, buo ang loob sa kaniyang paniniwala. Bihasa sa pangungumbinsi, debate at propaganda, tatak ng isang aktibista. Hindi ko maiwasang kumagat sa mga sinasabi niya tungkol sa bayan, kapitalismo at mga tunggalian. Napaniwala niya ako sa mga bagay na iyon at nakalimutan kong mag-isip para sa aking sarili.

“Baka after 10 years, makita mo na lang ako pakalat-kalat sa kalye.”

Akala ko nagbibiro lang siya noon pero malamang mangyayari yon. At kung mamalasin, baka hindi ko na siya makikita pa. Gaya nang aking inaasahan, mamumundok siya. Pero hindi ko inaasahan na hayskul pa

lamang ay iiwanan na niya ang kanyang “normal” na buhay para sa isang buhay na walang katiyakan. Buhay sa bundok, hindi ko lubos maiisip. Kawawa naman ang pamilya at mga magulang niya. Para na rin siyang namatay sa harap nila.

“Yung tatay mo nga eh, muntikan pang mamatay. Napatay lahat ng kasamahan niya sa kilusan noon.”

Medyo natawa ako sa sinabi ng aking tito. Ngayon ko lang narinig ang buhay ng aking tatay, bilang aktibista, sa ibang tao. Tulad ng isang ideyalistikong Isko noong dekada ’70, pinaglaban at pinandigan niya ang kanyang mga paniniwala laban sa isang diktaduryang rehimen. Lumaban siya at umabot sa punto ng armadong pakikibaka. Sinabi pa nga niya sa akin na naiisip na niya ang kanilang gagawing sabotahe sa

Pandacan Oil Depot. Ang mga bazooka at hand-granades ay naka-imbak na sa bahay nila. Ganoon na lamang ang takot ng kaniyang mga kapatid at magulang. Yun nga lang, pinigilan siya ng aking tito na tumuloy sa pagiging armado. Kundi, wala ako sa mundo ngayon.

“Muntikan pang maging amazona mama mo.”

Tawang-tawa ako nang marinig ko ito. Hindi ko kasi maisip kung ano itsura ng nanay ko kung mamumundok siya. Lumaban din siya noong panahon na Iska siya. KM siya, hindi tulad ng tatay ko na moderate. Marami siyang karanasan sa student activism sa loob ng campus dahil sa dorm siya nakatira noon. Kung hindi lang siguro medyo napalayo nanay ko sa ilang kaibigan niya noon, malamang naging amazona na siya. Ngayon, ang tanging pangarap na lamang niya ay makapunta sa US. “Hail to the kings” ika niya.

“Nakulong ninong mo noon ng mga ilang taon rin, kaya ayon hindi niya natapos yung Business Administration.”

Ang aking tahimik na ninong ay isa palang maingay na student leader noong panahon ng pagiging Isko niya. Ito rin ang dahilan kung bakit siya nakulong ng mga limang taon sa krame noon. Buti naman hindi siya na-torture ng todo kundi walang magdadala ng ice cream sa aking birthday noong aking kabataan. Ayon, taong bahay na lamang siya sa kanilang bahay.

“Mukhang sabay pa kami ng tatay ko ga-graduate.”

Patawang sinabi ito ng aking kaibigan na si Karl. Tulad ng aking mga magulang, aktibista rin ang kanyang mga magulang noong panahon nila dito sa Unibersidad. “Buti na lang comp sci ka, wala kang pakialam ‘diyan’ di ba?”

“Aktibista ka di ba?”

Iba ang panahon noong dekada ’70. Iba ang panahon ng First Quarter Storm. Iba ang panahon noong pagbangon ng aktibismo. Minsan ding nabaliw ang aking mga magulang, tito, ninong at iba pang mga kakilala sa isang ideyolohiyang walang katiyakan. Minsan ko ring naramdaman ang pagsisisi sa kanilang mga boses tuwing magkwe-kwento sila sa usapin ng komunismo. Hindi nila pinagsisisihan ang paglaban sa diktadurya. Pero minsan rin nilang naramdaman na nalinlang sila nina pareng Joma, Vladimir, Mao at Karl.

Marahil ang komunismo ay hindi para sa Pilipinas. Kahit anong sistema pa ang pairalin, komunismo, kapitalismo o sosyalismo man, mararanasan pa rin natin ang mga problema na nararanasan natin ngayon. Ang problema ay hindi sistema, kundi tayo. Problema natin ang ating sarili dahil hindi natin alam kung ano tayo bilang isang lahi.

Ano ba ang ibig sabihin at depinisyon ng isang Isko na may panunuring pag-iisip? Yun ba ang isko na sumasama sa mga mobilization, rally o welga? Kailangan bang maging aktibista para maging isang ganap na Isko? Dapat bang salungatin ang lahat ng desisyon ng gobyerno? Kailangan bang sumama at makipamuhay sa masa para mapaunlad ang bayan? At ang pinakamasaklap, kailangan bang mamundok upang umunlad ang bayan? At sa bandang huli ay mamamatay o babalik rin sa buhay na nakagisnan?

Hindi na nakapagtataka kung bakit one-third lang ng populasyon ng mga Isko ngayon ang bumoboto sa USC elections. Pagod na ang mayorya sa extreme activism na mukha ng USC. Pero sa kabila na ito, apatetiko rin sila at hinahayaan na lamang ang sistema ng pamumuno. Hindi rin nakapagtataka kung bakit nakakapagod magbasa ng Collegian dahil madalas puro kapitalismo, feudalismo, burukata kapitalismo at iba pang “ismo” ang umiiral na mensahe sa mga artikulo dito. At nung minsan naglabas ng artikulo tungkol sa Batibot, may mga nagalit pa dahil kailangan daw may “social relevance” ang mga artikulo sa Collegian.

Computer siyentista ako pero hindi ibig sabihin na wala na akong pakialam sa mga isyu at usapin sa lipunan. Dinidikta na dapat maging “geek” kami at computer na lamang ang atupagin. Marahil nararapat ang ganitong imahen ng mga computer siyentista sa mga mauunlad na bansa ngunit hindi iyon nararapat dito sa Pilipinas. Ang pagiging apatetiko ay lalo lamang maglulugmok sa ating lipunan. Hindi ko sinasabi na dapat maging aktibista at sumama sa rally, pero pwede namang dalhin ang pagiging makabayan at mapanuri sa ibang medium o terrain tulad ng cyberspace. Nakakabaliw ang aktibismo. Nakakalula. Parang kulto at relihiyon, hindi mo na makikita ang sarili mo.

“Singkolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!”

(The friend who introduced me to the world of Communism is Erika Salang, who was a batch mate of mine in the UP Integrated School. She got killed in a military encounter.)


Author unknown, and first appeared on www.peyups.com.

1760 Total Views 6 Views Today