Kaibigan sa Maling Konteksto

Natural sa ating mga Pilipino na maging palakaibigan. Madali tayong makipagsalamuha sa mga taong nakapaligid sa’tin. Sa una mang impresyon, ikaw ay suplado, tahimik o wala lang, di mo maiiwasan kundi makipagkaibigan sa taong katabi mo. Ngunit paminsan ang pakikipagkaibigan ay nailalagay sa maling konteksto.

Sumakay ako minsan ng taxi dito lamang sa aming village papuntang SM Megamall para makipagkita sa aking kaibigan sa high school. Mukhang may napag-aralan ang driver dahil magalang siya at mukhang mapagkakatiwalaan. Dumating kami sa isang kanto pakanan ng V.Luna nang may isang jeep na bigla na lang tumigil sa kanto para kumuha ng pasahero.

Biglang nagsalita si Manong, “Pambihira talaga tong mga driver ng jeep. Parang walang pinag-aralan. Paminsan gusto mong murahin pero iniisip ko wag na lang. Wag mo na lang pagsayangan ng panahon ang mga taong walang pinag-aralan. Mahirap ng bumaba sa kanilang lebel.”

Umayon naman ako ngunit syempre di natin dapat lahatin ang jeepney drivers. Pero humanga ako dahil may opinyon si Manong kaya napalapit na kagad ang loob ko. Mali man o tama ang kanyang sinabi, dahil meron siyang opinyon, humanga ako.

Nagtanong na siya ng mga bagay-bagay na ikinatuwa ko. Meron nga siyang pinag-aralan.

Ngunit nag-iba ang lahat nung pagdating namin malapit na sa Megamall. “Iho, magkano parati ang bayad mo galing sa inyo pa-Mega?”

Kako 80+. Bigla na’kong nabahala. Nabura na lahat agad ang aking naging konsepto sa kanya. Isa na namang taxi driver na dumidiskarte sa pasahero. Isa na namang opurtunista.

Naisip ko, wala na talagang pinipili ang mga tao: bata ka man o matanda, pag dating sa pera, wala ng respeto.

At tama na nga aking kaba, pag dating sa Mega, binigyan ko siya ng 100, 81 ang nasa metro. Kako kahit 10 na lang ang sukli, iling na sabi nyang, “Puro 100 na lang eh.” Ngiti siya.

Di ko na nakayanang tumingin sa kanyang mukha sa aking pandidiri sa kanyang pagkatao. Gusto ko sana siyang pangaralan tungkol sa kanyang panggugulang lalo na’t bata ako ngunit naalala ko ang sinabi nya: “Di ko na kailangang pagsayangan ng panahon ang mga taong di ko kalebel.”

Sinara ko ang pinto at umalis, iwan sa kanya ang aking buong 100, na may kasamang tampo sa mga taong tulad nya.

Nasaktan ako. Siguro ganito talaga ang nagagawa ng kahirapan sa buhay. Pag hirap ka, magagalit ka kung bakit di pantay ang tingin ng lipunan sa’yo. Pero pag nasa pagkakataon, lilimutin mo lahat ang naging konsepto mo ng hustisya at ikaw mismo ang mang-iisa.

Napunta lamang ang pakikipagkaibigan sa wala. Nakakalungkot isipin ngunit isa lamang si Manong sa mga taong nakapaligid sa’tin na muli tayong kakainin ng buo para lamang makalamang. At sa paraang di makatarungan, paraan ng pakikipagkaibigan.


Written by nytlyf, edited by blue_kuko and first appeared on www.peyups.com on 14th March 2005.

1403 Total Views 1 Views Today