Childhood Sweetheart – Part 2

[Ito po ay katuloy nito.] 

Sambit nila, “Love is lovelier the second time around.” Pweh.

Walang masyadong nagbago sa paaralang aking iniwan matapos ang pre-school — nandoon pa rin ang punong mangga na siyang naging kalaro naming mga bata tuwing habulan; kalawangin pa rin ang munting signboard ng eskuwelahan; pink at yellow pa rin ang kulay ng mga upuan ng mga Kinder at Prep students.

Ipinakilala ako sa mga bago kong kaklase ng aking titser, “Class, this is your new classmate.”

Ang mga mata ko ay lumilipat-lipat sa bawat tao. Lahat sila, sa akin nakatitig. Hiyang-hiya ako. Naka-outside dress pa naman ako dahil wala pa akong uniporme. Third Quarter na kasi nang magsimula ako ng Grade 3.

Naglakad ako papunta sa upuan ko sa likod. Lahat sila, sinusundan ang aking paggalaw na tila isa akong celebrity na naglalakad sa daan. Nakikilala ko pa nga ang iba kong mga kaklase noong Prep at Kinder. Nandoon pa rin si Ian, ang batang nasipa ko ang bayag; si Chad, ang dumugo ang ilong dahil nag-slide ng nauuna ang ulo; si Jesa, ang babaeng tahi-tahimik lang ngunit Rank 2 noong Graduation; si Menen; si Johnny; si Aprille; si Mary Ann; at marami pa… ngunit wala si Carla.

Ang mga araw ay nagdaan.

“Si Maureen, laging linulugar sa likod. Ang laki kasi, parang baboy,” tukso ni Chad kay Maureen. Sumama ang tingin ni Maureen at umiyak sa kanyang desk.

“Ako, kaya AM pinili kong schedule kasi nanonood ako ng Gows Payter. Mabubuhay na ulit si Eugene mamaya. Ki-kiss siya ni Jenny.” Inantok ako sa mga pinag-uusapan nila.

“Alam mo ba ‘tong si Chad? Numpang Grade 1 seatmate ko na iyan,” kuwento ni Johnny. Hindi ako maka-relate. Hindi ko naman sila kaklase noong Grade 1 at 2.

Humirit si Marvee, “Noong Grade 2 katabi ko si ano. Ano na kasi ang pangalan?” Hinihintay kong mag-ring ang bell. Gusto ko na talagang umuwi noon. Papanoorin ko pa si Valeria Montoia.

“Uy, Renelle, sino na kasi iyong katabi ko last year?”

Nangalkal ng ala-ala si Renelle, “Si ano.”

“Sino na kasi?”

“Si ano… Carla ba? Oo, si Carla.”

KRRRRRRIIIIING!

Carla daw. Sinabayan ng ring ng bell ang kuliling sa utak ko.

Lumundag ang puso ko. Tila biglang sumulpot ang buwan sa katapatan ng tanghali. Kaagad kong tinanong kung sino ang Carla na kanyang tinutukoy. Ayon sa kanya, doon rin daw siya nag-aral noong Kinder atsaka Prep. Iyong daw mamula-mula ang buhok.

Tumpak. Siya na nga.

“Afternoon class ba siya?” tanong ko.

May bahid na ng pagkasabik ang aking boses. Siguradong-sigurado na ako na magkikita na kaming muli. Maghaharap na muli ang dalawang nagmahalang nawalay sa isa’t-isa ng dalawang taon. Ang tadhana nga naman, oo. Guguluhin ang agos ng buhay mo, iibahin ang porma, pero maaayos din sa kahuli-hulihan. Nagising ang mga ala-ala isa-isa: ang puting bulaklak, ang halik sa pisngi, at ang mga HHWW sa playground. Tama nga ang sabi ng nakararami: kung kayo talaga ang itinakda para sa isa’t-isa, kayo talaga. Inisip ko, ano na kaya ang hitsura niya matapos ang dalawang taon?

“Wala na,” sagot ng tinanungan ko.

Kumbaga sa panonood ng isang sine, biglang nag-brownout noong papunta na sa climax ang kuwento.

“Hindi na siya dito nag-aaral. Ewan ko kung saan. Uy, Renelle, tara na. Uwi na tayo.”

Wala na daw. Nagdilim ang panahon. Ang lahat ng pananabik ko ay nasira. Ang magandang reputasyon ng tadhana sa akin ay biglang nabahiran ng dumi. Pesteng tadhanang iyan. Bakit nang bumalik ako sa paaralang aking tinutuluyan dati, si Carla naman ang biglang lumisan?

Umihip ang malamig na hangin mula sa mga kawayan sa tabi ng silid-aralan. Unti-unting sinakop ng madidilim na ulap ang maliwanag na kalawakan. Simula noon, nag-focus na lang ako sa pag-aaral, naghintay na lang, at inalay ang buhay sa kung ano ang nakatakda.

Ngayon, nasa kolehiyo na ako. Wala pa rin akong ideya tungkol sa kanya. Maglalabindalawang taon na. Ano na kaya ang hitsura ni Carla? Matangkad ba siya? Ano’ng course niya? Nag-high school pa ba siya? Tanging musmos na mukha na lang niya ang natatandaan ko. Mamula-mula pa rin kaya ang kulay ng buhok niya?

Ako, nagsusuot na ng salmin. Tiyak na hindi na niya ako mare-recognize.

Ipapanalangin ko na magkikita kaming muli. Siya ang aking childhood sweetheart, ang una kong girlfriend. Wala pang pangalawa hanggang ngayon. Kasalanan niya kung bakit labindalawang taon (and counting) akong single. Iyan tuloy, hindi na nahasa ang self-esteem ko sa mga babae.

Aasahan ko pa rin siya. Hindi niya pa yata ako bine-break. Ibig sabihin, kami pa rin officially hanggang ngayon. Pa’no kaya kung magkita kami?

May katuloy pa…


Written by lagsh, edited by mimi and first appeared on www.peyups.com on 28th October 2003.

1134 Total Views 1 Views Today