Childhood Sweetheart – Part 1

Sambit nila, “First love never dies.” Pweh.

Dalawang taon… Dalawang taon kaming mag-on. Hindi niya ako sinagot, at hindi ko rin siya niligawan. Sa mga unang buwan ng Kinder, basta na lang naging kami.

Siya si Carla. Karla. Carla. Karla. Ewan. Hindi ko alam ang tamang ispeling ng unang pangalan niya, pero malakas ang pakiramdam ko na Carla ang tamang ispeling. Pero Karla nga ata ang wasto. Whatever! Carla na lang.

Hindi ko rin matandaan kung ano ang apelyido niya. Ang alam ko, never kong inalam kung ano. Noong malaman kong Carla ang kanyang pangalan, hindi na ako nag-abala pa na malaman ang ibang impormasyon tungkol sa kanya—birthday, father, mother, occupation, brother, atbp.—ngunit tiyak na mas matanda siya sa akin sapagkat ako ang pinakabata noong Kinder. Tres anyos lang ako noon kasi nag-iskip ako ng Nursery.

Tingin ko, hindi rin niya alam ang apelyido ko. Wala naman kaming pakialam. Ang pagmamahalan namin ng tapat ay sapat na upang huwag kaming tantanan ni Kupido.

Si Carla ang unang babaeng naka-holding hands ko. Naaalala ko pa nga noon. Tuwing recess, hahawakan ko ang kamay niya ng walang permiso. Hindi naman siya papalag. Wala namang masama. Kami na eh.

Habang magkahawak ang aming maliliit na daliri’y maglalakad kami sa playground ng paaralan. Prinsipe’t prinsesa kami ng sarili naming musmos na kaharian. Tapos makikipag-tagtagan ako sa aking mga kaklase habang pinapanood niya ako. Siya ang dahilan kung bakit inspired akong manalo sa mga tagtagan at habulan. Siya rin kaya ang dahilan kung bakit ako topnotcher sa klase? Malamang.

Puting bulaklak na parang sampaguita, pero hindi sampaguita, na matatagpuan sa tabi ng isang gusali na malapit sa paaralan.

Ito ang una at huling bulaklak na binigay ko sa kanya. Ito’y noong kami’y Prep at nagpapraktis ng graduation ceremonies. Basta ko na lang pinitas at hinarap sa kanya. Walang hiya-hiya. Walang sabi-sabi. Inabot ko ang bulaklak; tinanggap niya. Pati mga guro nami’y kinilig sa eksena.

Alam ba ng aking mga magulang ang tungkol sa aming mumunting relasyon? Oo. Sa edad kong apat na taon, alam na nila na may girlfriend ako. Sinabi ko eh. Ang sanlibutan ay hindi nagrebelde sa aming pagmamahalan, ngunit nahinto ang pagdaloy ng tubig nang gumradweyt kami ng Pre-School. Tila isang unos na bigla na lamang sumakop sa isang mapayapang alapaap.

Nawalay kami sa isa’t-isa. Walang last parting words. Nagkahiwalay kami ng hindi namin nalalaman ang telephone number o address man lang ng isa’t-isa. Pati sarili kong address, hindi ko pa noon memoryado. Hindi ba kami nagkita ng Grade 1? Hindi, kasi lumipat ako sa isang Benediktinong paaralan. Hindi ko alam kung saan niya itinuloy ang kanyang pag-aaral, ngunit tumpak na hindi sa eskuwelahang aking pinasukan. Gustuhin ko mang dalawin ang dati kong eskuwelahan upang matanto ang kinalalagyan niya sa mga panahong iyon, hindi pa ako noon marunong mag-commute.

Pinaghiwalay kami ng kapalaran. Perpektong-perpekto ang aming relasyon, ngunit sa isang gabi ng pagtatapos, tila inayawan kami ng Kalikasan.

Tuloy pa rin ang buhay. Walang sulat. Walang picture na magreremind sa isa’t-isa. Tanging mga larawan sa isip ang nagpapanatili ng aming pagsasama. Medyo brown na buhok na hanggang balikat at naka-headband na pink—ito ang mukhang iniwan niya sa akin, sapagkat noong Graduation, hindi ko siya nakitang naka-toga.

Nahalikan ko na siya minsan sa pisngi nang naka-fall-in-line kami papasok sa classroom. Ako, hindi pa. Unfair, no?

Siya naman kaya, tinago kaya niya ang puting bulaklak? Patay. Nalanta na iyon sigurado.

Nang mag-Grade 3 ako, due to some unavoidable (but legal) circumstances, hindi na ako tinanggap sa paaralang aking tinutuluyan, kaya’t inenrol ako muli sa paaralan kung saan kami nagkakilala ni Carla.

Itutuloy…


Written by lagsh, edited by mimi and first appeared on www.peyups.com on 14th October 2003.

1193 Total Views 1 Views Today