Ang Patatas

Umaga na. Wala pang pagkain sa lamesa. Si mama nasa palengke, si papa tulog pa. Hindi pa naman ako gutom, pero naisipan kong magluto. Cornbeef na may patatas, tapos sunny side up na itlog.

Kahapon lang ako nag-simula mag-aral magluto. Mga simple lang muna shempre ang sinusubukan ko. Pero naisip ko, matututo din ako, lalo na’t ngayon, gusto kong matuto. Kahapon, okay naman yung niluto kong tuna with scrambled egg. Sana ngayon, maganda din ang resulta.

Nagsimula na akong maghiwa ng bawang at sibuyas. Nagbalat din ako ng patatas at hinati sa maliliit na piraso. Naisip ko, mas masarap kung may patatas. Isinantabi ko muna ang mga ito, at nagsimula akong magluto ng dalawang itlog. Hindi pa ako nagluto ng sunny side up sa buong buhay ko, pero naisip ko, kung ano man ang maling gagawin ko dito sa unang itlog, hindi na mauulit sa ikalawa. Sa ganoong paraan ako natututo. Sa ganoong paraan ko naitatama ang pagkakamali ko.

Pagkatapos kong iluto ang mga itlog (na ang isa ay mukhang hashbrown sa gilid at tila ba nagahasa ang pula nito) sinimulan ko ng mag-gisa. Dumating na si mama sa pagkakataong ito galing sa palengke. Medyo napakunot ako ng noo dahil hindi na ako mag-isa sa kusina. Pakiramdam ko, kapag may nanood sa akin ay wala na akong gagawing tama, lalo na hindi naman talga ako marunong magluto. Dati kasi, tuwing susubok akong magluto, pinangungunahan ako at pinagtatawanan ng kuya ko. Palibhasa kasi, kahit lalaki sya ay magaling syang magluto. Samantalang ako, bente anyos nako at pati sa pagluto ng itlog ay pumapalpak pa.

Sabi ni mama malakas daw ang apoy ko. Shempre, pagkatapos ng puna nya, hininaan ko. Lumabas sya sandali ng kusina. Pagbalik nya ay nakita nya akong nilalagay na ang cornbeef sa kawali mula sa lata nito. Sabay pakli nya ng “asan ang patatas?” Ang patatas? Ayun, nasa bowl pa ng tubig. Napagdesisyunan ko kasi na ihuli nalang yun dahil dati, ganun ang ginawa ko, at ok lang naman dahil sakto lang ang lambot nito, hindi sobrang lambot at mejo crunchy pa (just the way I like it). “piniprito muna yan dahil matutuyo ang cornbeef kung hihintayin mo pa yang lumambot pag hinuli mo.” “O cge na, e I have my own way, ako na bahala.” “malakas na naman yang apoy mo” “Oo na, leche naman e”.

Oo, hindi ko dapat sinabi yun. Pero hindi ko naman sinasadya. Nadala lang ako ng pagka-insulto sa pagkakataong pakiramdam ko ay minamasdan ang kilos ko at hinihintay ang bawat pagkakamali ko. Isa pa, ang salitang ‘leche’ ay parang expression nalang para sa akin, lalo na’t ang pag-uusap namin ng nanay ko ay parang sa magbarkada lang. Pero anu’t-ano pa man, alam ko, mali ako.

Kaya nga pumasok nako sa kwarto ko. Nagpumilit matulog ulit para maiwasan ang kumain kasabay nila. Nakakahiya. Nasabihan ko na nga ng leche ang nanay ko, ngayon naman kailangan ko pang kainin sa harap nya ang luto ko. Ang cornbeef na may matigas na patatas. Ang gunita nito ay nagpapangilabot sa akin sa kahihiyan, sabay talukbong ng kumot at mariing pinikit ang mga mata. Maya-maya lang ay umiiyak na ako.

Nagkaroon pa ng sagutan sa pagitan namin ni mama nang pumasok sya sa kwarto at sinabihan ako ng “oy LECHE, kumain ka na. Sa susunod, kung magluluto ka, yung para sa sarili mo lang, wag mong ipakain sa amin”. Nagpanting ang tenga ko. Sa inis ay wala akong naisagot kundi isang inutil na “FINE!”. Tuloy pa rin sya sa pagdakdak. Kesyo daw kahit kailan nagmamagaling ako at ayaw ng pinupuna. Tama ang hinala ko, hindi nga nya ako kilala. Hindi nila ako kilala. Nakakahon na sila sa konseptong ako ang black sheep ng pamilya at kung anu-ano pa. Wala na akong tamang gagawin para sa kanila. Oo, alam kong tinuturuan lang naman ako ni mama, pero hindi sa ganoong paraan ako natututo. At hindi nya maintindihan yun. Hindi nya maintindihan kung bakit ako nagdamdam, kung bakit ako nainis, kung bakit ko sya nasabihan ng leche.

Bente anyos na ako. Alam ko naman na kung ano ang tama at mali. At oo, mali ako. Mali ako sa maraming bagay. Mali ako, ultimo sa patatas.

December 22, 2002, 11:30 am

1832 Total Views 3 Views Today
Tags: