Ang Math 17, Bow

Gradweyt ako ng Pisay-CVC. Math Olympiad contestant din noong first year. Aba, huwag niyo ako mamaliitin. 1.75 ko yata ang Math 1 at 1.25 ang Math 4. Alam na alam ko by heart ang mga formula sa Matematika.

Kaya ano bang nangyari? Mga klasmeyt ko noong hayskul nagrereklamo. Hindi raw nila UNO ang Math 17, 1.25 LANG sila.

Noong sinabi ng isang FBC na ang Math17 marami nang nasirang buhay. Sinabi ko sa sarili ko, “Definitely, I’m not going to be one of them.” Hindi ko nakikita ang sarili kong nagpupuyat para lang sa subject na ito. Hindi ko nakikita ang sarili kong umiiyak dahil dito. Palibhasa ang Math 17 ay pinaghalong Math 1 at Math 4 noong hayskul. Kung pagbabasehan ang grado ko noong hayskul, tatlo lang ang puwede mangyari. Maaring makakuha ako ng 1.75, 1.25 o 1.5 (average ng dalawa). Ganun lang iyon, at hindi na bababa pa riyan.

Ngayong natapos na ang semestre at nakuha ko na ang resulta ng “pinaghirapan” ko, aba kakagulat. Ang isang taga-Pisay na nage-excel sa Math dati ay naka 3.0! Gusto ko lang sabihin, na perstaym ko po. Astig? Astig. Pero hindi ako umiyak.

Sige, evaluate natin ang performance ko.

Una, sa humigit kumulang na pitumpu’t pitong araw na pagtuturo ng instructor namin, SAMPU roon ay pumasok ako – ang natira, nasa bahay at natutulog. Gusto kong maniwalang hindi ko naman kasalan. Sinubukan ko namang pumasok noong umpisa. Sinasagutan ko nga noon lahat ng problems sa libro eh. Subalit, kahit ilang green tea o iced coffee pa ang inumin, talung-talo ako sa powers ng instructor. Ang galing talaga, wala pang limang minuto, nakaka-sampu na ako ng pag-yawn. Pangalawa, sa limang departmental exam namin, wala roon ang sineryoso ko. Siyempre, sa huling pagkakataon na dapat sana’y pambawi ko, inisip ko na lang na parang achievement test iyon. Eh kasi naman, kahit ano talaga ang gawin ko, hindi ko magawang seryosohin ang asignaturang ito. Tsaka, tingnan niyo naman, sa departmental exam lang kinukuha ang grado at kahit isang take home quiz wala man lang binigay kahit panghila lang sana. At magpahanggang-ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip bakit pre-requisite ito sa Chemistry at Zoology subjects ko para sa susunod na semestre, as in ang linaw ng koneksyon.

Kaya bakit ako magrereklamo? Walang saysay kung magsisi man ako, tapos na ang semestre at masyado akong ma-pride noon, hindi ako nag-drop. Pasalamat nga ako’t nakapasa pa ako nang hindi nagte-take ng remedials.

Whapak kung pagtawanan niyo man ako ngayon. Whapak pa rin kung maliitin ako ng mga kaklase ko noong hayskul. Bakit tao pa rin naman ako eh, nabo-bobo rin paminsan-minsan – at ang minsan na iyon ay nagtagal ng tatlong buwan, isang semestre.

Tres ako sa Math17. Hindi ako umiiyak. Hindi ko nilulunod ang sarili ko sa alak. Lalung-lalo nang hindi nasira ang buhay ko. Ganyan talaga, ako naman may kasalanan eh.

Tres ako sa Math17. Astig? Astig.


Written by kajjabeez, edited by amplifier and first appeared on www.peyups.com on 28th October 2004.

1345 Total Views 1 Views Today